DepEd humihingi ng hustisya para kay Francis

Kinondena ng Department of Education (DepEd) ang walang saysay na pagpatay sa isang 24-anyos na lalaking graduate ng Ateneo de Manila University at naglingkod din sa kagawaran.

Sa Facebook post ng DepEd, nakiramay ang kagawaran sa pamilya ng biktimang si Francis Arnold de Leon y Hipolito, na unang iniulat ng pulisya na isang estudyante pero napag-alaman na graduate ito ng Legal Management sa Ateneo at naglingkod sa Disaster Risk Reduction and Management Service ng DepEd.

Nanawagan din ang DepEd na mabigyan ng hustisya ang sinapit ni De Leon.

“Before pursuing his masters degree in DRR in August of this year, Francis, laid the foundations for contingency planning for the public education sector and the Disaster Management Group of the Department of Education’s Central Office, guided his areas of responsibility – CAR and NCR, and many more,” ayon sa DepEd.

“Nakikiramay kami sa pamilya ni Francis. Hindi naming inaasahan na sa ganoong way siya mawawala kaya nakikiisa kami sa pagdadalamhati ng pamilya,” ayon kay DepEd Undersecretary Anne Sevilla.

Hinala ng pulisya na hinoldap at pinatay ang biktima dahil nawawala ang cellphone nito at natagpuan ang kanyang bangkay dakong ala-1:20 nang madaling-araw noong Sabado na nakahandusay sa panulukan ng J. Molina at Blue Bird St., Brgy. Concepcion Uno, Marikina City.

Base sa inisyal na ulat ng pulisya, nagtamo ng mga saksak sa kanyang dibdib at batok ang biktima.
Blangko pa ang pulisya sa pagkakakilanlan ng suspek sa pagpatay sa kanya.