Kinastigo ng dalawang mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang Department of Education (DepEd) dahil patuloy na ‘itinatago’ umano sa publiko ang impormasyon ukol sa implementasyon ng Senior High School (SHS) voucher system.
Ayon kay ACT Teacher party-list Rep. France Castro, malinaw sa batas na kailangang ilabas ng DepEd ang mga requirement ukol sa SHS voucher system subalit hindi ito sinusunod ng ahensya.
Sinabi ng mambabatas na sa ilalim ng SHS voucher program, maaaring tanggapin ng mga private school ang mga estudyanteng papasok sa Grade 10 mula sa mga pampublikong paaralan.
Dahil dito, noong 2016, P11.18 billion ang ibinigay ng DepEd sa mga private school na bayad sa mga estudyanteng mula public school na tinanggap nila sa kanilang eskuwelahan at ngayon 2017 ay umaabot ito sa P23.85 billion at mayroon pa umanong dagdag na P1.17 billion para sa mga mga technical-vocational courses sa mga pribadong paaralan.
Malinaw umano sa special provision 14 ng DepEd sa ilalim ng General Appropriations Act of 2016 at 2017 na kailangang ilabas ng ahensya at maging ng Private Education Assistance Committee (PEAC) sa kanilang website ang listahan ng mga beneficiaries ng voucher program.
“DepEd failed to comply with the posting and transparency requirements set by law regarding the SHS voucher system. The data are not available in both websites as of this writing,” ani Castro.