Nanindigan ang Department of Education (DepEd) na hindi nito pinahihintulutan ang anumang karahasan na magaganap sa loob ng paaralan.

Kaugnay ito ng naganap na pamamaril sa isang guro sa loob mismo ng Tambubong Elementary School sa Bocaue, Bulacan na nagresulta sa pagkasugat ng isang estudyante habang ang sundalong suspek naman na kasintahan ng biktima ay binaril ang sarili matapos ang gina­wang krimen.

Sa statement ng DepEd, nakikiramay sila sa pagkamatay ng guro subalit hindi nila pinapa­yagan ang ganitong pangyayari na nasaksihan pa ng mga mag-aaral.

Kaugnay nito, siniguro ng ahensiya na hindi na mauulit ang ganitong karahasan sa loob ng paaralan kaya agaran na itong nakipag-ugnayan sa pulisya na mabigyan ng sapat na seguridad ang mga guro at mag-aaral at mapanatiling ligtas ang mga paaralan.

Ang nasawing guro ay kinila­lang si Melody Esber, 33-anyos, habang suspek ang namatay din na si Ruperto Datwin, 40-­anyos, miyembro ng Philippine Army, habang nasa ­maayos nang ­kalagayan ang 9-taong ­gulang na estudyante na tinamaan sa balikat.

Isinailalim na sa psycholo­gical debriefing ang mga nakasaksing mag-aral na inasikaso ng Schools Division Office ng Bulacan medical team.