DepEd may kontribusyon sa giyera kontra iligal na droga

Tinatayang nasa 1.5 milyong kabataan ang nakumpirma ng ­National Youth Commission (NYC) noong 2015 na sumubok ­gumamit ng iligal na droga.

Ito ang lumabas sa isinagawang pag-aaral ayon kay NYC Commissioner Percival Cedana.

Alinsunod sa kategorya nila ng kabataan ay may edad itong mula 15 hanggang 30.

Kaya naman pursigido na ang Department of Education (DepEd) na ipatupad ang random drug test sa mga estudyante sa high school sa buong kapuluan.

Ang hakbang, ayon kay DepEd Assistant Secretary Nepomuceno­ Malaluan, ay ginawa bilang drug prevention strategies sa mga paaralan.

Sa kasalukuyan ay tinatapos na ng DepEd ang Memorandum of Agreement (MOA) sa Department of Health (DOH) na magiging katuwang ng kagawaran sa pagsasagawa ng random drug test sa mag-aaral.

Saklaw sa isasagawang drug testing ay ang estudyante mula first year high school hanggang sa senior high school kung saan ang drug test ay magiging sorpresa upang hindi makaiwas ang estudyante.

Gayunman ay walang kaparusahan ayon sa DepEd ang magpopositibo sa drug test sa halip ay isasailalim ito sa rehabilitation at counseling subalit hindi na kailangang isuspinde sa eskuwelahang pinapasukan.

Ang individual result ng drug test ay magiging­ sikreto kung saan ang makakaalam lang ay ang estudyante,­ kanyang ­magulang, school official, DepEd at DOH.

Ang random drug testing ay ipatutupad sa high school bilang kontribusyon ng DepEd sa kampanya ni Pangulong Duterte na maging drug free ang bansa.

Kinikilala natin ang inisyatibo ng DepEd na makibahagi sa kampanya ng gobyernong Duterte kontra iligal na droga.

Maganda ang hangarin ng DepEd dahil bukod sa magiging kontribusyon sa gobyernong Duterte ang isasagawang drug testing sa mga estudyante ay makakatulong din ang hakbanging ito upang maagapan ang sinumang kabataan sa murang edad ay nalululong na sa ipinagbabawal na gamot.

Ang kailangan lamang tiyakin ng DepEd sa gagawing ito ay tiyaking hindi ito mauuwi sa pagkapahiya ng mga estudyanteng magpopositibo sa iligal na droga.

Sa ganitong laban ay hindi lamang dapat si Pangulong Rodrigo Duterte ang titingnan kundi maging ang kapakanan ng mga estud­yante na sa murang edad ay malalagay sila sa alanganing sitwasyon.

Nababahala tayo na baka sa halip na makatulong ay magdulot ito ng tuluyang pagkasira ng kinabukasan ng isang estudyante.