Patay ang district supervisor ng Department of Education (DepEd) Panabo City sa Davao Del Norte matapos itong barilin ng hindi pa kilalang riding-in-tandem na mga suspek habang pauwi ng bahay, Huwebes ng hapon sa nabatid na lungsod.
Nakuha pang isugod sa Rivera Medical Center ang biktimang si Babito Manliguez, 58, subalit idineklara rin itong dead-on-arrival ng sumuring doktor matapos magtamo ng limang bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa inisyal na ulat na ipinadala ng Davao Del Norte Police Provincial Office sa Camp Crame, naganap ang insidente dakong ala-1:30 ng hapon habang lulan ng kanyang kotse ang biktima pauwi na sana sa kanilang bahay.
Pagsapit sa kahabaan ng Taceco Road sakop ng Brgy. San Francisco ay bigla na lang sinabayan ang biktima ng dalawang suspek lulan ng motorsiklo at malapitang pinagbabaril.
Mabilis namang tumakas ang mga salarin nang masigurong napuruhan na nila ang biktima.
Sa ngayon ay patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang mabatid kung ano ang motibo ng pamamaslang at sa posibleng pagkakakilanlan ng mga suspek. (Edwin Balasa)