Malaking bagay ang 6-foot-9 frame ni Kevin Durant na lumalagari mula perimeter hanggang paint kaya dumikit ang Golden State sa pangalawang kampeonato sa loob ng tatlong taon.

Pero hindi na lang sa opensa mabagsik si KD. Lumalabas na rin ang tikas niya sa depensa. Hindi niya tinantanang bulabugin si Cleveland superstar LeBron James sa first two games ng NBA Finals.

Dalawang ‘W’ na lang ang naghihiwalay sa Warriors at sa titulo. Game 3 sa Huwebes (araw sa Maynila) sa Cleveland.

Nang mapigil ng foul trouble si Draymond Green, nag-sentro pa si Durant sa 132-113 victory ng Golden State noong Game 2.

Nilista ni James ang record-tying eighth career Finals triple double na 29 points, 11 rebounds at 14 assists, mainit din sina Kevin Love at Kyrie Irving. Pero hindi nakagulapay ang Cavs.

Limang shots ang binutata ni Durant panahog sa kanyang 33 points, 13 rebounds at six assists. May triple-double si Stephen Curry (32 points, 11 assists, 10 rebounds).

Mapapanood pa rin ang Game 3 sa June 8 ng 9 a.m. sa ABS-CBN ch. 2 sa free TV, ABS-CBN HD, S+A (ch. 23 sa free TV at SKYcable ch. 17), at S+A HD (SKYcable ch. 166).