Depensa sa titulo ng Magnolia uumpisahan

Depensa sa titulo ng Magnolia uumpisahan

Balik si Romeo ­Travis sa Magnolia para idepensa ang korona ng PBA Governors Cup.

Salang agad ­ngayong araw ang ­Hotshots, ­uumpisahan ang title defense ­laban sa Meralco sa first game sa alas-4:30 nang hapon sa Smart ­Araneta Coliseum.

Giniyahan ni Travis ang Pambansang Manok sa titulo ng season-ending conference nitong isang taon nang kalusin ang Alaska at si Mike Harris sa anim na laro.

Markado ang Hotshots, gigil ang 11 pang team na patalsikin sila sa trono.

“There are a lot of good players this conference,” pag-amin ni Travis.

“Every team has gotten stronger, it won’t be an easy ­conference at all.”
Mapapalaban si Travis sa pamilyar na mukhang si Allen Durham, ang two-time Best Import awardee na ibinalik ng Bolts. Sa huling tatlong taon ay pumalaot sa playoffs ang Meralco, nakara­ting pa sa finals noong 2016 at 2017 pero ­dinalawahang sunod ng Ginebra. Noong isang taon ay sibak sila sa Alaska sa semis.

Isang buwan na sa bansa si Travis, kaya nakabisado na niya muli ang sistema ni coach Chito Victolero.

Balik na rin sa Hotshots sina Paul Lee at Mark Barroca, kasama ng Gilas Pilipinas na kumampanya sa China FIBA World Cup.

Isa pang magandang balita sa Magnolia ay nakalaro na sa kalagitnaan ng nakaraang Commissioner’s Cup si defense specialist Marc Pingris, natengga ng higit isang taon dahil sa knee injury.

Kasama sina Ian Sangalang, Jio Jalalon at veteran Rafi Reavis, ready na ang Hotshots. (VE)