Hindi mabobokya sa trabaho ang mga ni-repatriate na overseas Filipino workers (OFWs) mula sa Kuwait.
Sa pagdinig ng House committee on overseas workers’ affairs kahapon, inihayag ni Labor Secretary Silvestre Bello III na ide-deploy at bibigyan ng trabaho sa Japan ang tinatayang 1,000 OFW na bumalik sa bansa galing Kuwait.
Sisimulan umano ang deployment ng mga ito pa-Japan sa Mayo.
Ibinida ng kalihim na type rin ng mga employer sa Japan ang serbisyo ng mga Pinoy.
Magagaling aniyang magluto, maglinis ng bahay at marunong sa iba’t ibang trabaho ang mga Pinoy.
Inamin naman ni Bello na hindi lahat ng mga OFW sa Kuwait ay pauuwiin kundi ang mga domestic helper lamang.
“If we take back the skilled workers right away, the economy of those countries might collapse,” paliwanag nito.
Samantala, binanggit ni Bello na puspusan nang nililinis ngayon ang tanggapan ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) upang matiyak na nasa ayos ang diskarte ng recruitment ng OFWs.
Sa loob aniya ng tatlong buwan ay maisasakatuparan ito.
“Kailangan ng cleansing sa POEA dahil iba-ibang iregularidad ang nangyayari sa ahensiya,” ani Bello.