DeRozan pinaiyak ang Mavs

Ibinaon ni DeMar DeRozan ang winning basket sa overtime para iligtas ang Eastern Conference-leading Toronto laban sa Dallas 122-115 Biyernes ng gabi.

Umiskor si DeRozan ng 29 points, nagdagdag si Jonas Valanciunas ng 21 points at 12 rebounds para ihatid ang Raptors sa pang-11 sunod na panalo kapantay ng longest winning streak sa kasaysayan ng prangkisa.

Nilista ng Rapots (52-17) ang pang-18 panalo sa huling 19 games kahit wala ang pinagpahingang si Kyle Lowry. Umayuda si Delon Wright ng 15 at may 14 kay Fred VanVleet sa Toronto.

Lumayo sa 101-93 ang Dallas sa jumper ni Harrison Barnes 5:43 pa sa regulation, sumagot ng apat na puntos si Derozan. Tumabla ang Raptors sa 106 mula sa free throws ni DeRozan 75 seconds pa.

Inubos muna ni DeRozan ang oras bago binatuhan si Serge Ibaka pero sumablay. Kuha ni DeRozan ang bola, mintis din sa buzzer.

Nagsagutan ng 3s sina VanVleet at Dwight Powell ng Mavericks bago sumalaksak ng tiebreaking jumper si Derozan 53 seconds na lang sa OT. Naselyuhan ang panalo sa limang free throws ni Valanciunas sa final 10 seconds.