Bilang solusyon sa nararanasang krisis sa tubig, iminungkahi ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III ang desalination, isang proseso ng paglikha ng sariwang tubig sa pamamagitan ng pag-aalis ng asin mula sa saline water.
Ayon kay Sotto, subok na ang desalination ng tubig sa mga bansa sa Gitnang Silangan at namamantine nila ang kanilang suplay sa tubig.
“Mag-desalination plan na tayo. Bakit ang Saudi Arabia, ang mga Middle East countries, ang lakas ng tubig. Napakaraming tubig! Ginawa nila, nag-desalination sila,” saad ni Sotto.
Giit ni Sotto, matagal na niyang itinutulak ang desalination sa mga malalaking water sources na nakapaligid sa bansa upang ito ay mapakinabangan sa oras ng krisis tulad nang nararanasan ngayon ng Kalakhang Maynila.
Subalit, sinabi ni Sotto na naging kibit balikat ang gobyerno sa kanyang matagal nang suhestyon dahil bukod sa may kamahalan ang desalination process ay inuna aniya ng gobyerno ang mga mas prayoridad na proyekto ng bansa.
Kasalukuyang umaasa ang Metro Manila at ibang lugar sa suplay ng tubig na nakukuha mula sa Angat at La Mesa dam.