Deserving ako sa MVP! — Ebuen

Deserving ako sa MVP! — Ebuen

Apat na sets ang kinailangan ng Arellano University Lady Chiefs upang payukuin ang Perpetual Help Lady Altas, 22-25, 25-15, 25-18, 25-18 sa do-or-die Game 3 at sikwatin ang korona ng 94th NCAA women’s indoor volleyball tournament kahapon sa Filoil Flying V Center, San Juan.

Naghabol ng tatlong puntos ang Lady Altas sa fourth set, 8-11 pero hinataw ang limang sunod na puntos upang maagaw ang unahan 13-11.

Pakatatag ang Lady Chiefs, humarurot para makuha muli ang bentahe 20-13 at hablutin ang three-peat crown ng 10-team league.

Pinatunayan ni Necole Ebuen na karapat-dapat siya sa nasilong Most Valuable Player nang maki­pagtulungan kay Regine Arocha para makuha ang inaasam na titulo.

“Tumatak sa isip ko ‘pag tanggap ko sa award na ‘yun (MVP) na ipapakita ko pa po ang best ko para patunayan ko na deserving ako,” saad ni Ebuen.

Hinirang namang Finals MVP si Arocha.

Nagwagi ang Lady Altas sa Game 1 kaya naman namuro sila sa pagsungkit sa inaasam na sweep sa event, pero umahon ang Lady Chiefs at hinataw ang dalawang natitirang laro.