Desiderio humabol sa PBA Draft

Pagkatapos ng UAAP Season 81 Finals, humabol si UP guard Paul Desiderio sa pagpapa­lista sa pool ng mga magbabaka-sakaling amateur sa 2018 PBA Rookie Draft.

Sa Dec. 16 sa Ro­binsons Place Manila ang Annual Draft, sa order ay mauuna ang Columbian Dyip, kasunod ang Blackwater, NorthPort, Phoenix at Rain or Shine.

Umabot na sa 45 ang nagpalista, maugong sa top 3 sina CJ Perez ng Lyceum, Bobby Ray Parks at Robert Bolick ng San Beda.

Dati ay Dec. 3 ang unang deadline ng application para sa 2018 class, pero nagbigay ng extension si PBA commissioner Willie Marcial hanggang Dec. 10. Ang Draft Combine ay sa Dec. 12-13.

Malaking papel ang ginampanan ni Desiderio, 21, sa pagbalik ng Fighting Maroons sa Finals, bagay na hindi nagawa ng mga taga-Diliman sa nakalipas na 32 taon.

Nawalis sa dalawang laro ang UP mula sa kapitbahay nilang Ateneo sa Finals showdown na binansagang Battle of Katipunan.