Noong Sabado, binigyan-pansin ng inyong ka-Moto ang mahalagang papel ng isang designated driver.

‘Yun po mismo ang naging ganap ng inyo pong abang lingkod.

Naisalaysay natin ang direksyon at mahalagang papel ng isang DD ngunit hindi nabigyan-diin ang tunay na ganap ng isang designated driver.

Ito’y walang iniwan sa papel ng isang transporter na pinaigting pa ng isang pelikula ng katulad na titulo.
Kadalasan, kapag may lakad ang buong pamil­ya sa malayong lugar o bibisita sa mga kaaanak kukuha tayo ng isang driver na kamag-anak din o uupahan.

Mahalaga ang papel nito. Hindi pupwedeng ipagsawalang bahala. Isipin ninyong buong angkan o pamilya ninyo mismo ipagkakatiwala ang kanilang kaligtasan.

Narito ang ilang tips na nararapat isaalang-alang ng isang designated driver para sa kaligtasan ng buong angkan:
1. Brand new o hindi ang gagamiting sasakyan, nararapat na usisain ang lahat ng importanteng bagay ng sasakyan gaya ng a. langis, b. tubig, c. hangin ng mga gulong, d. mga ilaw (brake lights, head lights, signal lights, etc.) e. sensor indicators sa dashboard

2. Ipa-tune up ang sasakyan kung kinakailangan kasi mahaba ang lalakbayin

3. I-double-check ang estado ng mga brake o preno

4. I-check din isa-isa ang turnilyo ng mga gulong baka may maluwag (delikado ‘yan lalo na’t babagtas sa mga expressway)

5. Matapos i-check ang buong sasakyan, huwag kaligtaan ang sarili kung kayo ba ay may itatagal sa manibela

6. Iwasan magpuyat sa gabi bago bumiyahe. Maraming disgrasya/sakuna na sanhi ang kapuyatan kapag nakaidlip sa manibela. Tandaan na split-second lang na maidlip kayo maaring matuloy na ‘yan sa tulog na walang gisingan

7. Huwag makikipag-inuman o astang bisita rin ang datingan ni DD. Laging pakatatandaan na kayo ang designated driver kung kaya’t focus ang kailangan

8. Huwag kaligtaang uminom parati ng tubig habang nagmamaneho. Ayon sa mga pagsusuri ng sayantipiko, kapag mababa ang liquid level ng katawan ng tao, bumababa rin ang alertness level nito

Tandaan lamang ang mga nakasulat at tiyak na ligtas ang biyahe ng inyong mga kaanak.

Para naman sa mga kasamang kaanak, huwag din ninyong pababayaang magutom o mapuyat ang inyong designated driver.
To God be the glory!