Desisyon ng PCA gagamitin sa pakikipag-usap sa China

Gagamitin ng admi­nis­trasyong Duterte ang desis­yon ng Permanent­ Court of Arbitration (PCA) sa isyu ng West Philippine Sea (WPS) sa gagawing bilateral meeting sa bansang China kaugnay ng territorial dispute sa rehiyon, ayon­ kay Justice Secretary Vitaliano­ Aguirre.

Sinabi ni Aguirre na kahit ayaw tanggapin ng China ang desisyon ng PCA, patuloy na igigiit ng gobyerno ang legalidad ng pagmamay-ari ng mga isla at bahurang sakop ng WPS.

“I’m sure that we have to go by the decision although China doesn’t want the decision to be mentioned when there is already bilateral meeting with the two countries,” wika ni Aguirre sa isang ambush interview sa Senado.

“Siyempre on our part we have to mention that pero on China’s part, they would rather be silent on that. Ayaw nila siyempre ‘yon. Siyempre kung sa atin ang pag-uusap, gusto natin,” dagdag pa niya.

Sa desisyon ng PCA, ibinasura ang claim ng China sa 90 percent ng South China Sea kabilang na ang WPS.

Pinag-usapan sa mi­ting ng National Security Council (NSC) ang usapin ng WPS, pero­ tumanggi si Aguirre na ibunyag ang naging produkto ng miting sa pagsasabing si Pangulong Rodrigo Duterte na lang ang mag-aanunsyo nito, kung pipiliin nitong isapubliko ang resulta ng miting.