Desisyon ni Cone tanggap ni Kiefer

Desisyon ni Cone tanggap ni Kiefer

WALANG hinanakit si Kiefer Ravena na hindi siya napili ni coach Tim Cone para ilagay sa pool ng Gilas Pilipinas na isasabak sa Southeast Asian Games men’s basketball.

Matagal-tagal na ring nagsilbi sa national team si Ravena, sinuspinde pa ng FIBA ng 18 months.

Pagbalik, isinama rin siya ni coach Yeng Guiao sa Gilas na nangampanya sa World Cup sa China.

Nitong Huwebes, inihayag ni Cone ang kanyang pool pero wala si Ravena, gayundin ang mga ibang galing World Cup na sina CJ Perez, Robert Bolick, Mark Barroca, Paul Lee at Gabe Norwood.

“I’m a great admirer of coach Tim,” ani Ravena pagkatapos ng 105-99 win ng NLEX sa Meralco sa PBA Governors Cup.

“And for different people to think twice and question the lineup, parang sinasabi mo na kinukuwestiyon mo din ‘yung greatness ni coach Tim, ‘di ba? So … he’s put there for a reason and that reason alone is his capability of handling any team.”

Suportado raw ng The Phenom ang national team, kahit sino ang piliin ng coach.

“Panghihinayang? Wala. National team ‘yan eh. ‘Di tayo nanghihinayang diyan,” dagdag ni Kiefer. “We’ll still support inany way we can.”

Ngayong lumabas ang lineup, makakapag-focus na raw siya at ang Road Warriors sa PBA. Maagang nasa trangko ng Governors Cup ang NLEX sa 2-0.

“Kaming mga hindi maglalaro sa national team pagdating ng SEA Games, we’ll continue to support the team whatever way we can,” anang dating kamador ng Ateneo. “Whether helping other people to believe in what they’re trying to do, and support them live pagdating ng laro dito. It’s going to be fun, it’s going to be exciting.” (VE)