Desisyon ni Kawhi lahat naghihintay

Nag-overtime ang paghihintay sa next move ni Kawhi Leonard.

Dumaan ang unang araw ng free agency, tahimik pa rin ang two-time Finals MVP.

June 30 ay free agent na si Kawhi, puwedeng magpaalam sa Toronto Raptors para maghanap ng ibang lilipatan. Isang taon lang sa Toronto ang kontrata ni Leonard, pero naihatid niya ang team sa kauna-unahang NBA title nang kalusin sa anim na laro ang Golden State Warriors.

Puwede raw siyang manatili sa Raptors at pumirma ng max contract na five years, pero bukas din sa pakikipag-usap sa ibang teams at nasa radar niya ang dalawang teams sa Los Angeles – Clippers at Lakers.

Si Kawhi na lang ang huling big name na ‘di pa nakakapagdesisyon sa free agency. Nasa Brooklyn na sina Kyrie Irving at Kevin Durant, nanatili sa Warriors si Klay Thompson. Si Anthony Davis, siyempre nauna na sa Lakers para samahan si LeBron James.

Super-super-team ang Lakers kapag nagsama-sama ang tatlo — Kawhi-LeBron-Anthony.

Pero bitin pa nga dahil sa slow motion ang galaw ni Leonard.

Tuloy, nakagapos din ang Clippers at Lakers — ‘di makagalaw sa pagkuha ng ibang players habang hinihintay ang desisyon ni Leonard.

Nabibilang ang mga salitang lumalabas sa bibig ni Kawhi, kaya mahirap siyang ispelingin. Abang-abang na lang ulit.(VE)