Desisyon sa FM burial irekonsidera

Matigas ang posisyon ng Makabayan Bloc sa Kamara na huwag ituloy ang paghimlay ng mga labi ni dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libi­ngan ng mga Bayani.

Umapela ang Maka­bayan Bloc sa pamamagitan ni ACT Teachers Rep. Antonio Tinio na pag-isipang muli ang desisyon.

“Hinihiling pa rin natin kay Pangulong (Rodrigo) Duterte na mag-reconsider sa kanyang desis­yon… mukhang itutuloy niya ito pero nananawagan pa rin tayo…nabanggit niya sa kanyang SONA gusto­ niya…kailangang mag-move on na tayo,” pahayag ni Tinio.

Sa totoo lang, aniya, magiging mapanganib ang pagbibigay ng parangal ng estado kay Marcos sa paglilibing sa Libingan ng mga Bayani at sa halip na mag-move on ang mga Pinoy ay mananatiling hindi humihilom ang sugat na ito.

Nilinaw din ng mga grupo ng makakaliwa na kasalukuyang miyembro ng gabinete ni Pangulong Duterte na hindi sila sumasang-ayon na mailibing si Marcos sa Libingan ng mga Bayani.

“Ganu’n pa rin ang posisyon natin hindi pa rin natin mabibitiwan ang posisyon na ‘yan dahil usapin talaga ito ng tama at mali. Pagtindig kung ano ba talaga ang tama sa kasaysayan at pagkondena sa naging mali,” dagdag nito.