Dahil may kaugnayan sa national security, walang plano ang mga dumalo sa National Security Council (NSC) meeting na ipinatawag ni Pangulong Rodrigo Duterte na isiwalat ang resulta ng pulong.
“I wish I could tell you what was being discussed,” pahayag ni House deputy speaker Miro Quimbo na kabilang sa mga miyembro ng NSC na dumalo sa nasabing pulong kahapon sa Malacañang.
Sa naturang pulong, nagsama-sama sa unang pagkakataon ang mga 5 Pangulo ng bansa na kinabibilangan nina dating Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III, Gloria Macapagal-Arroyo, Joseph Estrada at Fidel Ramos.
Dumalo rin sa nasabing pulong si Vice President Leni Robredo kung saan magkatabi silang dalawa ni Duterte kaharap sa kabilang mesa ang mga dating Pangulo ng bansa base sa mga larawang lumabas.
Nag-viral pa sa social media ang hindi pagkamay ni Aquino kay Arroyo na nagkita sa kauna-unahang pagkakataon matapos ang anim na taon.
Ayon kay Quimbo, mananatiling sikreto ang pinag-usapan at napagdesisyunan sa NSC meeting dahil usapin ito ng national security ng bansa kaya walang sinuman sa mga dumalo sa pulong ang may karapatang magsalita.
Gayunman, unang kumalat ang agenda sa pulong na ipinatawag ni Duterte ay may kinalaman sa usapin sa West Philippine Sea, anti-drug campaign ng administrasyon at maging ang peace talks sa mga rebeldeng grupo.