DFA, kilalanin ang problema sa passport

Broadcaster's view-ely-saludar

Dapat ay aminin ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano na may problema talaga sa iniisyung pasaporte sa kaniyang departmento.

Ito ay sa dahilang mabilis ang reaksiyon mismo ni Cayetano na aniyang hindi raw totoo ang appointment for sale sa DFA.

Masyadong adelantado ang pahayag ni Cayetano dahil hindi pa naman niya napapaimbestigahan kung may katiwalian o wala sa DFA.

Sa pahayag ni Cayetano sa social media account niya bilang tugon sa banner story ng Abante ay imposible raw na ginagatasan ang mga OFWs sa pasaporte sa pamamagitan ng pagbebenta ng slot sa appointment.

Hindi ata kilala ni Cayetano ang ilang mga Pinoy na tiwali sa ating bansa na kahit gaano pa kahigpit ay maaring malusutan ito.

Ang mga bangko nga na sobrang higpit na sa pagbabantay sa mga bank deposits ng kanilang kliyente ay nalulusutan pa ng mga cyberhacker.

Tingnan niyo ang nangyari sa Banco de Oro (BDO), nakaltasan ang mga bank accounts ng kanilang kliyente at kabilang dito ang mga OFWs.

Ang mainam sa BDO officials ay agad na inako at inamin na mayroong problema nga at kanilang pinaiimbestigahan na upang maprotektahan ng lubusan ang kanilang mga depositors.

Ganito rin sa DFA kahit abot higpit pa ay sabihin pa ni Cayetano na may sariling OFW lane ay ligtas na sa anomalya.

Ang magandang gawin ng kalihim ay paimbestigahan agad ang nasabing alingasngas at tiyaking mapapanagot ang mga posibleng sangkot dito na tauhan man ng DFA o travel agency.

Pero sa pinakahuling balita ay pinaiimbestigahan na ni Cayetano sa National Bureau of Investigation (NBI) ang nasabing umano’y anomalya sa pasaporte na dapat lang ang ganitong hakbang upang agad na matigil ang nasabing katiwalian.

Pero sa mga problema ay ang unang gawin ay alamin at kilalanin na mayroon ngang problema para nagawaran ng solusyon dahil kung hindi aakuin at aaminin ay walang masosolusyunan na suliranin.