Nagpalabas ng abiso ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa lahat ng Filipino na naninirahan at namamasyal sa Singapore na umiwas na mga mata­taong lugar upang makaiwas na mahawahan ng nakamamatay na Zika virus.

Sinabi ni DFA Asst. Sec. Charles Jose, na dapat seryosohin ng lahat ng Filipino na nasa Singapore ang babala kasunod na rin ng kumpirmadong 41 locally transmitted Zika virus infection ang naitala partikular sa Aljunied Crescent and Sims Drive area.

Kasabay nito, pinakilos ng DFA ang lahat ng embassy personnel sa nasabing bansa na agarang magpalabas ng advisory sa Filipino community na nagsasabing mag-ingat sa nasabing virus.

“If you have tested positive for Zika, inform the Philippine Embassy immediately (6737-3977 or 9072-2797) so that the embassy can render appropriat­e assistance,” sabi ni Jose.