Tinututukan ngayon ng Senado ang passport appointment system ng Department of Foreign Affairs (DFA) kasunod ng walang patid na reklamo hinggil sa palpak na ope­rasyon nito.

Ayon kay Senador Joseph Victor Ejercito, nakatakda niyang alamin ang ‘background’ ng reklamo ng mga passport applicant upang maihanda ng maayos ang mga susunod na hakbang ng kapulungan.

“I’ll check the background of the issue first,” sabi ni Ejercito sa kanyang text message matapos matanggap ang mga impormasyon na karamihan sa mga nag-aaplay ng pasaporte ay walang makuhang matinong sagot mula sa ahensiya.

Sa Facebook page ng DFA, nagpahayag ng pagkadismaya ang mga aplikante dahil hindi nila makuha ang partikular na petsa ng pagpila sa mga tanggapan nito upang mag-renew o kumuha ng passport.

Nitong Hunyo 17, 2016, sinimulang pa­ngasiwaan ng APO Productions, Inc. ang Passport Appointment System ng DFA at magmula noon ay bumaha na ang reklamo sa naturang sistema.

Kabilang sa mga reklamo na nakabalandra sa Facebook page ng DFA ay ang hindi pagkatanggap ng mga aplikante ng confirmation code sa email, kawalan ng notice na natanggap na ng ahensiya ang isang apli­kasyon at ang umano’y pagkaubos na ng timeslots.

Halos kabaligtaran naman nito sa napaulat na nangyari sa 700 Indonesia­n na umano’y nakapasok sa pilgri­mage sa Mecca­h gamit ang Philippin­e passports.

Kinalampag din ni Senador Grace Poe ang DFA upang bigyan ng agarang solusyon ang pagkakaantala ng proseso sa pagkuha ng pasaporte dahil lubhang nakakaapekto na ito sa libu-libong apli­kante.

2 Responses