DH bugbog sa trabaho, noodles lang ang pagkain

Sir,

Lumapit po ako sa inyo sa pagbabakasakaling matulungan n’yo ang ate kong si Norma Erlano Fresnoza.

Lahat halos kasi ng mga ahensya ng gobyerno ay nalapitan na po ng kuya ko pero wala pa ring nangyayari kaya nagbakasakali kami sa inyo na lumapit.

Disyembre 23, 2014 pa nang dumating sa Saudi Arabia ang ate ko at nagtrabaho bilang domestic helper sa kanyang employer na si Dwood Sulaiman Al Khasim Hadab sa Al Salman District Al Azizieah Shahar Taif Apartment 2-1 sa Saudi.

Reklamo ng ate ko isang beses lang daw po siya pakainin ng kanyang amo. Ang matindi pa ay noodles lamang ang kinakain niya maghapon gayong tadtad siya ng trabaho.

Nag-aalaga raw po siya ng matanda at kapag nakatulog na ang matanda ay ang maghapon siyang nagtatrabaho sa bahay. Halos hindi na rin daw siya makatulog dahil katutulog lamang niya ay ginigising na naman siya para magtrabaho.

Hindi na raw po makayanan ni ate ang hirap ng katawang kanyang dinaranas araw-araw at pati ang sikmura niya ay madalas na walang laman kaya nanghihina siya sa pagtatrabaho.

Matapang at madaldal sobra ang kanyang amo kaya suko na talaga siya. Sana ay matulungan niyo ang sister ko.

***

Si Norma Erlano Fresnoza ay nagtrabaho sa Saudi sa pamamagitan ng recruitment agency na Global Asia Alliance Consult Inc. sa Pili­pinas na ang counterpart na ahensya sa Saudi Arabia ay ang All Kharj Agency.

Kagaya ng nabanggit na hindi na natin babanggitin ang kapatid ng OFW, inilapit na ng kanyang kuya sa halos na mga ahensya ng ating gobyerno ang kaso ni Fresnoza pero nananatiling­ walang aksyon. Taong 2014 pa ito nakikiusap na maiuwi­ na ng Pilipinas dahil hindi na niya makayanan ang pahirap na dinaranas sa poder ng kanyang ­employer pero walang naging tugon dito ang mga kinauukulan.

Kaya sa pamamagitan ng BayaniKa at ng U-OFW na pinamumunuan ni G. John Leonard Monterona ay kumakatok kami sa recruitment agency na GLOBAL ASIA ALLIANCE CONSULT gayundin sa POLO-OWWA JEDDAH,OWWA RAD, POEA REPATRIATION UNIT at OFFICE OF THE POEA ADMI­NISTRATOR upang matulungan si Fresnoza.

Hindi biro ang halos dalawang taon nang pagpapasaklolo. Sa mga susunod nating isyu ay ating ibabahagi ang naging tugon ng kahit alinmang tanggapang ating kinalampag para umaksyon sa kasong ito ng kababayan nating si Norma.