Naglunsad ng kampanya ang mga lider ng Filipino community sa Hong Kong upang mapatanggal sa puwesto si Labor Secretary Silvestre Bello III dahil sa umano’y mga kinasasangkutan nitong katiwalian at pang-aapi sa mga overseas Filipino worker (OFW).
Kabilang sa inilistang ground sa “Oust Bello Movement” ay nang ituring ng kalihim na parang ‘ice cream’ si Joanna Demafelis, ang domestic helper na pinatay ng kanyang amo at ipinasok sa freezer sa loob ng isang taon sa abandonadong apartment sa Kuwait.
“He is callous and insensitive to the plight of OFWs. In shocking remarks he made after gate crashing a meet-and-greet session between HK OFWs and Special Assistant to the President Bong Go on Apr 12, Bello told the OFWs that they should prepare well for their future, and not wait until they turned into ‘ice cream’ like Joanna Demafelis…before they became self-sufficient,” ayon sa statement ng grupo nitong Abril 18.
Sa miting ng mga OFW sa Hong Kong na inorganisa ng Mindanao Federation, binanggit din umano ni Bello na naging instant millionaire ang pamilya ni Demafelis dahil sa dami ng taong nagbigay ng pera sa kanila nang mabalitaan ang masaklap na sinapit na Pinay sa Kuwait.
Inungkat din ng mga OFW ang pag-recall ni Bello kay Labor Attaché to Hong Kong Jalilo dela Torre dahil lang sa tumanggi itong magpadala ng Filipina bar dancer sa red light district ng Wan Chai.
Nabigo din umano itong tuparin ang pangako sa pag-iisyu ng OFW ID bilang kapalit ng overseas employment certificate at ang rebates sa longtime members ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Sinilip din ng grupo ang koneksyon ni Bello kay Lucy Sermonia, presidente ng asosasyon ng agencies na nagpapadala ng domestic helper sa Kuwait.
Kabilang sa inisyal na lumagda para mapalayas sa puwesto si Bello ay ang Bayan Hong Kong at Macau, Mindanao Federation, Global Alliance, Unifil-Migrante Hong Kong, Filipino Migrant Workers Association at Global Ministers Association.
Inamin naman ni Bello na sinabi niyang parang naging ice cream si Demafelis sa miting ng OFWs sa Hong Kong.
“Ang sinabi ko hindi dapat mangyari sa kanila ‘yung nangyari kay Demafelis,” paglilinaw ni Bello.
Itinanggi din ng kalihim ang iba pang akusasyon laban sa kanya ng OFW group sa Hong Kong. (Reportorial Team)