DH sa Kuwait baldado sa trabaho, gusto nang umuwi

balik-bayan-box-ofw-2 bayani ka

Muli po akong humihingi ng tulong na sana ay makauwi na ako ng Pilipinas dahil hindi ko na makayanan ang aking trabaho rito sa Kuwait bilang domestic helper.

Hindi na po talaga kaya ng katawan kong magtrabaho. Namamanhid na ang mga kamay ko at halos hindi ko na maigalaw sa umaga.

Dahil sa ganitong lagay ko ay hindi na ako makapagtrabaho nang maayos at natatakot akong lumala pa kung magpapatuloy ako sa ganitong klaseng pagtatrabaho.

Sana, Sir, ay matulungan ninyo akong maiparating sa agency ko at sa mga kinauukulan ang aking hinaing. Salamat. — Michelle Candidato

Si Michelle ay nagtungo ng Kuwait noong Oktubre 8, 2015. Ipinadala si Michelle ng J.V.R agency ang lokal na recruitment agency at itinurn-over naman sa Noriya Alfarhan Office Manpower Recruitment Agency at ipinasok sa isang Abdulasis Almirey na taga-Mubarak Alkaber Street sa Kuwait.

***

Paging JVR PLACEMENT CO. at sa POLO-OWWA KUWAIT, OWWA RAD, POEA REPAT­RIATION UNIT at OFFICE OF THE POEA ADMINISTRATOR. Sana ay mapagtuunan n’yo ng pansin ang kaso ni Michelle at mabigyan ng kaukulang aksyon ang kanyang hinaing.

Nauna nang naipagbigay-alam ng United Overseas Filipinos Worldwide (U-OFW) gayundin ng BayaniKa ang problemang ito ni Michelle pero wala pa ring aksyon ang nasabing mga ahensya ng gobyerno kaya muli tayong nananawagan sa POEA, OWWA at sa ahensyang nagpadala kay Michelle sa Kuwait na tulungan ito lalo na ngayong nalalapit ang Kapaskuhan.