Ito umano ang mga huling kataga na lumabas sa labi ng isang public relations assistant ng isang KTV bar nang pumasok sa dressing room kahapon ng madaling-araw sa Malate, Manila.
Nakilala ang biktima na si Celine Mae Custodio, 24, public relations assistant sa Caesar KTV bar Adriatico Square na matatagpuan sa 5th Floor ng Pan Pacific Hotel, sa Malate, Maynila.
Ayon sa kasamaham nito sa trabaho na si Hasmin Balindong, 24, pumasok sa dressing room ang biktima at dumaing na nahihirapan itong huminga.
Kasunod nito, dinala ni Balindong sa 8th floor ang namumutlang biktima na may hawak na inhaler para ipagamot sa Hotel Clinic. Pero dahil sa malala nitong kondisyon ay isugod ito sa Manila Doctors Hospital pero binawian rin ng buhay.
Nalaman na may dalawang araw pa lamang na nagtatrabaho sa KTV bar ang biktima at naghihintay ito ng kanyang visa papuntang Japan.
Sa imbestigasyon ni SPO4 Glenzor Vallejo, ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section naganap ang insidente dakong alas-2:05 ng madaling-araw sa loob ng KTV bar.
Wala namang nakitang sugat sa katawan ng biktima pero nang puntahan ang lugar ay sarado na ito at tumanggi ang management ng KTV bar na ipakita ang record ng CCTV at makipagkooperasyon sa pulisya.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya para alamin kung may foul play sa pagkamatay ng biktima na dinala sa Funeraria San Idelfonso sa Tanay, Rizal para sa awtopsiya.