Inamin ng abogado ni Kristaps Porzingis na inakusahan ng rape ang Dallas Mavericks forward, pero mariin aniya itong tinatanggi ng NBA star.

Ayon sa abogadong si Roland Riopelle, ang alegasyon ay bahagi ng extortion attempt na iniimbestigahan ng FBI.

Iniulat ng New York Post nitong Huwebes na nagsadya sa pulisya ang babae at sinabing ni-rape siya ni Porzingis sa apartment ng 23-anyos na Latvian sa Manhattan noong isang taon habang naglalaro pa sa Knicks.

Inabot ng knee injury si Porzingis nang i-host ng Knicks ang Milwaukee Bucks. Pag-uwi aniya ay inimbitahan sa kanyang apartment ang babae, at doon naganap ang sexual assault.

“We made a formal referral to federal law enforcement on December 20th, 2017, based on the accuser’s extortionate demands,” anang statement ni Riopelle.

Mula sa Knicks, nai-trade sa Dallas si Porzingis noong January. Sa susunod na season na siya makakapaglaro sa Mavericks habang nagpapagaling pa ng injury. (VE)