‘Di ko papasara mga palengke! – Año

Mariing pinabulaanan ni Department of Interior and Local Goverment (DILG) Secretary Eduardo Año ang mga balitang ipapasara nila ang mga palengke o pamilihan dahil sa umiiral na pinalawig na enhanced community quarantine (ECQ) sa Luzon dulot ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay Año, maaari lamang ipasara ang pamilihan kung mapapatunayang nagkakaroon ng paglabag sa social distancing na ipinatutupad upang maiwasan ang pagkakahawahan ng virus.

“Walang ganun (pagpapasara ng mga palengke). Pero yung market na mag-violate ng social distancing pwedeng ipasara,” ayon kay Año.

Ipinaalala rin ng kalihim na ang lahat ng mga public at pribadong mga palengke ay dapat na sumunod sa social distancing sa pamamagitan nang paglalagay ng ‘one entry at one exit provisions’ upang makontrol ang daloy ng mga mamimiling pumapasok sa mga pamilihan.

Nabatid na inatasan na rin ni Año ang mga pulis na tiyaking limitado lamang ang mga entrance at exit points sa mga public markets.

Nauna rito, ipinasara ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang mga retail store sa mga pamilihan sa Balintawak matapos na makumpirmang nagkaroon ng paglabag sa social distancing na maaaring magdulot ng pagkalat pa ng COVID-19. (Dolly B. Cabreza)