‘Di lang pulitiko ang tumutulong

for-the-record-jen-box jeany lacorte

Karamihan sa ating mga kababayan, lalo na ang mga mahihirap ay ­tumatakbo sa mga ­pulitiko kapag mayroon silang pangangailangan,­ lalo na sa usaping medikal.­

Ang alam kasi ng ating mga kababayan kapag maysakit ay mga pulitiko, katulad ng kapitan, mayor, gobernador, congressman, senador at iba pang halal na opisyal ng gobyerno ang maaaring lapitan dahil may pondo silang nakalaan para sa ganitong serbisyo.

Dahil sa paglapit sa mga pulitiko ng ilan na­ting kababayang nagigi­pit dahil sa sakit ay nata­tali sila. Naoobliga silang suportahan ang isang ­pulitiko at muling iboto kahit labag sa kanilang kalooban dahil sa hindi maayos na pamamala­kad, korap o may iba pang ­katangiang taglay ng ­hindi angkop na lider.

Sana ang ganitong ­kaisipan ay ibasura, ­talikdan na natin.

Dahil marami tayong maaaring lapitang mga organisasyon na handang tumulong nang walang hinihinging kapalit.

Katulad na lamang ng Tunay na Lingkod sa Comunidad (TLC) Inc., isang non-government ­organization na tumutulong nang walang kapalit.

Ang samahang ito na unang inilunsad ng mag-asawang Lito at Luz ­Castillo ay marami nang natutulungan.

Mga senior citizens na wala nang pag-asa pang makakita dahil sa problemang pinansyal at ang iba naman ay takot na maaaring lalong ikasama­ nila ang pagsa­ilalim sa operasyon sa iniinda nilang sakit sa mata.

Pero dahil sa moti­vation ng TLC ay ­nakumbinsi nila ang mga senior citizens na magpaopera o malinis ang mga mata upang manumbalik ang paningin.

Walang ginagastos ang mga nagpapaopera dahil ang TLC ang nagpoproseso ng operasyon gamit ang PhilHealth ng mga pasyente. Kung wala namang PhilHealth ay nagagawan din ng paraan­ ng TLC ang problema at naooperahan o nagagamot ang pasyente nang walang ginagastos.

Kaya natin binabanggit ang proyektong ito ng TLC at maaaring ng iba pang NGO ay upang ipaalala sa ating mga kababayan na maaari na­ting makamit ang kaga­lingang ating hinahangad nang hindi tayo nakokompromiso sa mga ­pulitiko.

Higit sa lahat ay ­matuto tayong aralin ang mga benepisyong naka­laan sa atin mula sa gobyerno dahil maaari nating ma-avail ang mga ito, ayon nga sa tagapagtaguyod ng TLC, nang hindi nagpapapadrino sa mga pulitiko.

Sa ngayon ang TLC ay patuloy na tumutulong sa mga nanga­ngailangan pero senior citizens ang kanilang prayoridad upang ipadama­ na may nagpapahalaga pa sa kanila.

Maliban sa operasyon sa iba’t ibang sakit sa mata ay nagkakaloob din ng libreng salamin ang TLC at kamakailan lamang ay nagsagawa na rin ng dental services.

Hangad ko ang patuloy na tagumpay ng TLC at sana’y mas marami pang senior citizens at mahihirap nating kababayan ang inyong matulungan upang muling makakita.