Dear Sir,

Malugod na sinalubong ng Mayapay tribe ang Army battalion sa Alubijid, Buenavista, Agusan del Norte noong Sabado. Ginawaran pa ng ritwal ang 23rd Infantry (Masigsig) Battalion at binigyan din ng sertipikong nagpapatunay na pinahihintulutan ng kanilang tribo ang Army sa kanilang teritoryo.

Mabuting pangitain ito na ang mga katutubo nating kapatid ay nagtitiwala sa Hukbong Sandatahan. Sana ang lahat ng tribo ay makipag-ugnayan sa ating kasundaluhan at magkaroon ng magandang koordinasyon upang sakanila pa lamang ay magsimula na ang pag-sawata sa mga NPA at iba pang bandidong grupo tulad ng Maute at Abu Sayyaf.

Kailangan nating isaalang-alang na hindi lamang gobyerno at sundalo ang dapat sumugpo sa terorismo. Sa simpleng pagiging aktibo, alerto at bukas na pakikipag dayalogo sa mga alagad ng batas ay maaring maging malaki ang tungkulin na ating magagampanan sa pag laganap ng mga teroristang aktibidades.

Jersan R. Arguilles
Mindoro

***

Dear Sir,

Patuloy ang opensiba ng militar na nag-resulta sa pagkasawi ng nasa 36 miyembro ng Maute Group sa Lanao del Sur. Kabilang sa napaslang si Imam Bantayao dating kasapi ng Moro Islamic Liberation Front. Nakubkob rin ang pangunahing kampo ng 162 Maute Group sa Sitio Pagalungan, Brgy. Gacap sa Piagapo Lanao del Sur.

Ngayon palang dapat ay mag-isip na ang mga rebeldeng kasapi ng Maute at iba pang teroristang grupo. Sumuko na habang buhay pa at may pagkakataon. Mamulat nawa sila na ginagamit lamang sila ng grupo at mga lider nito ng ‘di nila namamalayan na ang buhay nila ay nasa peligro na. Sana ay ibaba na nila ang kanilang armas upang kanila ng mayakap muli ang kanilang pamilya. Ang pagsisisi ay palaging nasa huli.

Nikki R. Pabulayan
Fort Bonifacio Taguig

***

Dear Sir,

Kahit pala kalahi ng Abu Sayyaf Group (ASG) ay kanilang pupugutan kapag isa na itong sundalo. Ganito ang nangyari kay SSgt. Anni Siraji, nakadestino sa 32nd Infantry Battalion sa Patikul, Sulu. Patungo si SSgt. Siraji sa Barangay Igasan nang ma-abduct siya ng ASG. Siya ay walang kadala-dalang armas sa pagkakataong iyon. Kampante siya na hindi siya gagalawin ng kanyang mga kalahing ASG. Subalit sa hindi inaasahan siya ay dinukot at pinugutan ng ulo.

Martha A. Bondoc
Las Piñas City