‘Di makataong trato sa mga sikyo

Hati ang pananaw ng publiko at mga netizen sa naganap na hostage taking sa Greenhills, San Juan City noong Lunes na ang suspek ay isang dating guwardiya.

Marami ang naapek­tuhan at naperwis­yong mga negosyo sa mahigit 10 oras na hostage drama matapos bihagin ng suspek na si Alchie Paray ang nasa 50 katao sa administrative office ng shopping center habang armado ng baril, patalim at granada.

Nakatikim din ng puna at batikos ang Philippine National Police (PNP) dahil sa tila pagiging malambot sa hostage taker at pinaabot pa ng mahigit 10 oras bago nadakma at naaresto si Paray.

Pinagsalita pa ito sa media kung saan inilabas lahat ang sama ng loob sa dating employer na umapi umano sa kanya.

Bagama’t maraming buhay ang nalagay sa peligro dahil sa ginawa ni Paray, nabuksan sa publiko at sa mga opis­yal ng gobyerno ang ugat ng ipinagmarkul­yo ng hostage taker na marahil ay hindi mapapansin kung hindi nangyari ang insidente.

Marami sa mga security guard ang may kahalintulad na karanasan kay Paray at hindi lamang magawang lumaban o mag-ingay dahil mawawalan agad sila ng trabaho.

Hindi makataong pagtrato at pagtingin sa mga guwardiya at unfair labor practices ang madalas na reklamo subalit walang lakas ng loob na bumangga sa kanilang security agency dahil sa takot na sibakin ang mga ito.

Katuwiran ng mga guwardiya, mahirap maghanap ng trabaho at ayaw ng mga ito na mapabilang sa ilang milyong Pilipinong tambay at magutom ang pamilya.

Mas gugustu­hing magtiis ang mga ito kaysa walang kiki­tain at walang maipa­kain sa pamilya.

May mga nagalit at nambatikos sa hostage taker subalit may mga nakisimpatiya dahil nakita nila ang pinag­hugutan nito ng rason kung bakit nagawa ang kasalanan.

Hindi talaga maitatanggi na maraming unfair labor practices sa bansa at hindi lang ito nangyayari sa mga guwardiya, kundi sa iba pang mga manggagawa.

Maraming mga employer ang ang hindi makatao at kahit pata­yin na ang manggagawa ang katawan sa trabaho, kahit magtatlong shift pa ito ng duty ay hindi mo mariringgan ng pasasalamat sa malasakit sa kanyang kompanya.

Katwiran kasi ng mga ito, binabayaran naman ang mga empleyado at kulang na lang ipamukha na utang na loob sa kanila dahil mayroon pang trabaho ang mga ito.

Marami pong Alchie Paray sa hanay ng mga manggagawa subalit walang lakas na loob na magreklamo o lumaban sa mga amo dahil alam na ang magiging kahihinatnan kapag pumalag ang mga ito.

Dapat maging aktibo ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa pagtukoy sa mga problema ng maliliit na manggagawa, at tumulong ang labor groups gaya ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) para magtatag ng grievanc­e committee para marinig ang problema at hinanakit ng mga maliliit na manggagawa sa bansa.

Maraming security agencies ang inirereklamo ng unfair labor practices subalit takot ang mga jaguar na lumaban dahil karamihan sa mga may-ari nito ay dating police at military gene­rals o kaya naman ay mga opisyal na aktibo pa sa serbisyo.