‘Di makatarungang paninita

motorista-ismael-amigo

Arangkada na kahapon ang 90-day campaign period ng mga national candidates sa senatorial at party-list.

Kaalinsabay nito, umarangkada rin ang checkpoints sa kung saan-saan.
At gaya ng dati, ang mga abang motmoteros y motmoteras ang lubhang napuruhan.

Katunayan, hindi gaanong epektibo ang sistemang ganito sa pagnanais ng Comelec at kapulisan na maipatubad ang gun ban sa tuwing may eleksyon.
Korek, malilimita­han nito ang magdala ng baril ang mga naka-motor – ang mga nakamotor, oo.

Ngunit ang tanong: Ito lang ba ang pupuwedeng sakyan ng may mga “mission order” na ilikida ang kung sinong may mahigpit na ­kalaban sa politika?
Tamang sagot: ­Hindi.

Katunayan, ang mga nakamotmot ay parang mga langgam ‘yan.

Nagbubulungan mga ‘yan kapag may naispatang nakalatag na checkpoint.

Kagabi lamang ay marami ang nanatili munang nasa bahay habang nakalatag pa ang checkpoint.

O dili kaya’y bumalik ng bahay at nagkotse na lamang.

Ito ang lamang ng mga nakakotse pati. Lusutan sila sa checkpoints habang bisibisihan ang kapulisan sa paninita ng mga kawawang motmoters.

Ito ang tinatawag kong unjust road use inequality.

Ito’y isang uri ng hindi makatarungang paninita ng mga kapulisan sa mga lansangan!

Bakit hindi maisip ng ating kapulisan na hinding-hindi magkakasya ang kahit isang baby armalite kahit saang taguan sa motor.

Kasyang-kasya ‘yan kahit bazooka pa sa trunk ng isang kotse o dili kaya’y SUV o pickup truck!

Kung bakit deretsuhan lang ang mga nabanggit na sasakyan sa ating mga checkpoints ay sadyang mahirap maunawaan.

Hindi ba’t parang “barking at the wrong tree” ang ating mga bantay sa kalye?

Kayo na po ang sumagot.
To God Be The ­Glory!