‘Di masilbing arrest warrant

Dear Atty. Claire,

May isinampa po akong kasong kriminal at ito ay nasa court na. May warrant of arrest pero hindi pa po ito na-serve ng mga pulis. Hinihingi ko ang copy ng warrant of arrest para ako na po ang makipag-usap sa mga pulis upang mapaaresto ko na ang akusado na nagtatago na ngayon.

Ngunit ayaw ibigay ng korte at hindi rin naman sila nakikipag-­coordinate sa mga ­pulis. Tama po ba ito? Hindi po ba magtutuloy-tuloy ang hea­ring kapag hindi pa naaresto ang akusado? Kung ako na po ang makikipag-coordinate para mapahuli ang akusado ay magbaba­yad pa ba ako sa mga pulis?
Maraming salamat!
Mrs. Minerva

Dear Mrs. Minerva,

Nakakalungkot isipin na tumatagal ang pag-usad ng kaso dahil lamang sa hindi pa naaaresto ang akusado. Kapag hindi pa kasi naaresto ang akusado ay hindi nagkakaroon ng jurisdiction ang korte sa akusado at hindi maaaring maituloy ang hearing. Ang akusado ay maitutu­ring na ‘wanted’ na dahil sa naka-issue na warrant of arrest laban sa kanya.

Ang mga korte ay dapat na nakikipag-coordinate sa mi­yembro ng PNP o NBI upang maipatupad ang order ng korte tungkol sa pagpapahuli sa akusado dahil sa hinaharap nitong kaso. Hindi na dapat sana na ang mga nagsampa ng kaso ang siya pang mag-follow up kung paano ipapaaresto ang mga akusado dahil tungkulin ito ng korte at ng concerned agencies upang mahuli ang sinumang may warrant of arrest.

Kung sakali man na ang humihingi ng copy ng warrant of arrest ang nagre­reklamo ay dapat lamang siyang bigyan ng copy nito upang siya na ang makipag-coordinate sa mga pulis upang maipatupad ang order ng korte.

Marami na rin ang nagtatanong kaila­ngan magbayad sa mga pulis kapag nagpapaaresto. Marami na rin ang nagsasabi na sila ay napipilitan na magbigay ng ‘panggasolina’ upang mapabilis ang pagpapaaresto.

Ayon sa batas ay obligasyon nila ang magpatupad ng isang Order ng Warrant of Arrest at wala ­silang dapat na hinihinging kapalit nito dahil maaari silang makasuhan ayon sa ­Anti-Graft and ­Corrupt Practices, Administrative Code at Revised Penal Code kapag hindi sila ­gumanap sa kanilang obligasyon lalong-lalo na kung magtatrabaho sila kapag binayaran lamang sila.
***
Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 8410-7624 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com.