Dear Atty. Claire:
Nais ko lang po itanong sa inyo kung ano ba ang parusa sa ejectment case? May kaso kasi kami na ganoon at hindi namin alam ang parusa kasi wala kaming pambayad.
Umaasa po ako na tutugunan ninyo ang aking katanungan.
Maraming salamat po.
Martin
Mr. Martin:
Alam mo sa sarili mo na mali na ang ginagawa ninyo dahil hindi makatarungan na magpatuloy na manirahan sa bahay ng iba nang hindi nagbabayad ng kaukulang renta.
Tama lamang na magsampa ng kasong ejectment laban sa inyo at ang magiging desisyon dito ay paalisin kayo sa utos ng korte at pagbayarin kayo ng utang sa renta at attorney’s fee na nagastos ng may-ari ng ari-arian para mapaalis kayo nang ligal.
Ang magagawa mo lamang ay makipag-usap sa may-ari at mangako na aalis kayo sa inuupahan at kaunting palugit lamang ang kailangan. Huwag na sana kayo makipaglaban pa dahil alam ninyo na wala na kayong karapatang manatili sa ari-arian.
May mga pagkakataon kasi na may mga kababayan tayo na nanlalamang na lamang o taking advantage sa sitwasyon at tumitira sa bahay nang hindi nagbabayad ng anumang renta. Sana ay maisip nila na nakakaperwisyo sila sa may-ari kaya’t ang magandang magawa lamang ay sumang-ayon na umalis na lamang upang ang parehong partido ay hindi na maperwisyo at hindi na umabot sa demandahan.
***
Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 8514-2143 o 8922-0245 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com. Please watch Atty. Claire Castro YouTube channel.