Dalawang tama ng bala ng kalibre .45 baril ang tumapos sa buhay ng isang lalaki matapos barilin ng kanyang babaeng collector sa loob ng sinasakyan nilang taxi sa Brgy. Immaculate Conception, Quezon City, kahapon ng umaga.
Dead-on-the-spot sanhi ng dalawang tama ng bala sa ulo ang biktimang si Nelson Bathan Calinisan, nasa hustong gulang at hindi pa tiyak ang tirahan.
Nabigo namang makatakas ang suspek na si Lilibeth Bacus y Sabandal, 45, self-employed, tubong South Cotabato, at nakatira sa Mary Homes Subdivision, Phase 1, Block 9, Lot 14, Molino, Bacoor, Cavite, na may tirahan din sa 56-Brgy. San Isidro, Angono, Rizal.
Sa imbestigasyon ng QCPD Kamuning-Police Stn.10, nangyari ang krimen dakong alas-9:00 ng umaga sa loob ng RAY DEC Taxi na may plakang ABO- 6399 sa E. Rodriguez Sr., Brgy. Immaculate Conception, na minamaneho ni Walter Sabaria, ng General Luis St., Brgy. Novaliches, Quezon City.
Ayon kay Sabaria, sumakay ang biktima at suspek sa kanyang taxi sa Megamall sa Mandaluyong City dakong alas-sais ng umaga. Nasa harapan ang lalaki habang ang suspek ay nasa likod at nagpapahatid sa Landbank SM Cainta.
Pagdating umano sa U-Turn slot patungo sa SM Cainta, bigla nalang pinagbabaril ng suspek sa likod ng ulo ang biktima.
Tinutukan din umano siya ng suspek at inutusang imaneho ang taxi hanggang Cubao. Walang nagawa ang driver kundi sumunod. Ngunit pagdating ng taxi sa tapat ng 1835-E. Rodriguez Sr., Brgy. Immaculate Conception, Quezon City ay binuksan ni Sabaria (driver) ang pinto ng taxi saka tumalon, hanggang sa bumangga ang taxi.
Mabilis na lumabas ng taxi ang suspek para tumakas subalit hinabol ito ng isa pang taxi na minamaneho ni Arnold Tapucol, 31, sakay ang nagrespondeng sina PO1 Joseph Reyno at PO1 Mark Alexis Cuntapay kaya ito naaresto.
Sa pahayag ng suspek, lending collector siya ng biktima. Nagalit umano siya dahil hindi siya pinasasahod ng maayos kaya nagawa niya itong patayin.