‘Di nagpautang dinos-por-dos

Nagtamo ng mga sugat sa ulo ang isang 54-anyos na assistant laboratory personnel nang paghahatawin ito ng dos-por-dos ng isang binatang nakikitulog sa kanyang tahanan dahil lamang tinanggihan niya itong pautangin ng pera sa Tondo, Manila nitong Linggo.

Nilalapatan ng lunas sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center ang biktimang si Danilo Chua, residente ng 332 Paghanapin Wagas Street, Tondo dahil sa tinamong mga sugat sa ulo, habang arestado naman ang may kagagawan ng krimen na si Marvin Elijan, 22, walang hanapbuhay at residente ng 1311 Madrid Street, Tondo.

Sa imbestigasyon ni PO2 Leo Afable ng Manila Police District (MPD)-Station 2, nabatid na dakong alas-3:20 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa loob ng bahay ng biktima.

Natutulog na umano si Chua nang dumating si Elijan dakong alas-dos ng madaling-araw at nakiusap na makikitulog muna sa bahay nito dahil napagsaraduhan umano ng pintuan ng kanyang tiyahin.

Pumayag naman umano ang biktima dahil kakilala niya ang suspek at pinapasok ito ng kanilang bahay.

Dito na umano sinabi ng suspek na mangungutang siya ng pera mula sa biktima na tinanggihan naman nito at sinabing wala siyang pera, ngunit patuloy umano siya nitong kinukulit.

Maya-maya ay nakigamit umano ng banyo ang suspek ngunit pagbalik ay may dala na itong kahoy na siyang ginamit upang paghahatawin sa ulo ang nakatalikod na biktima.

Nagawa naman ng biktima na sumigaw at humingi ng saklolo, kaya’t nagising ang kanyang pamangkin na si Homer Jamandre.

Kaagad na sinaklolohan ni Jamandre ang tiyuhin.

Tumawag ng responde ang magtiyuhin sa mga opisyal ng barangay na siyang nagdala sa suspek sa pulisya upang masampahan ng kaso habang isinugod din sa pagamutan ang biktima.