Upa `di nabayaran bubong, pinto ng buntis binaklas ng kasera

Dahil sa 2-buwan na umanong hindi nakakabayad sa inuupahang apartment, tinanggalan ng bubong at pinto ng kanyang kasera ang tenant nitong buntis sa Brgy. 167, Caloocan City.

Nabasa tuloy ang loob ng bahay at ang kagamitan ng buntis na hindi na nagpabanggit ng pangalan, na kaagad nagreklamo kay Barangay Chairman Antonio Reyes.

Habang muntik na ring madamay na matanggalan ng bubong ang isa pang nangungupahan na si Glenda Malvas dahil hindi rin ito nakabayad ng upa.

Sinabi umano ng landlady na si Tessie na nakakuha naman ng ayuda sa Department of Solcial Welfare and Development (DSWD) ang biktima kaya dapat na silang magbayad ng upa.

Gayunman, sinabi ni Malvas na inuna muna nila ang pagbili ng kanilang kakainin kesa ipambayad sa upa dahil nawalan rin ng trabaho ang kanyang mister mula nang ipatupad ang lockdown.

Ibinalik naman uli ang bubong at pinto ng apartment matapos pagsabihan ang kasera.

Nabatid sa Department of Trade and Industry (DTI) na maaring makulong ng 2-buwan at pagmultahin ng P10,000 depende sa diskresyon ng korte ang landlady na magpapalayas ng tenant sa panahon ng Enhanced Community Quarantine (ECQ). (Juliet de Loza-Cudia)