Anim na heavy equipment na gamit sa paggawa ng mga kalsada at inprastraktura ang sinunog ng pinaniniwalaang mga miyembro ng New People’s Army (NPA) nang hindi makapagbigay ng revolutionary tax ang kompanyang nangangasiwa ng proyekto kamakalawa sa Brgy. Agani, Alcala, Cagayan.
Ayon sa ulat, alas-9:00 ng gabi nang lusubin ng tinatayang 30 armadong grupo na pinaniniwalaang mga NPA ang CAMIA Construction sa nabatid na lugar.
Matapos na padapain ang mga manggagawa ay sinimulan na nilang sunugin ang anim na heavy equipment na kinabibilangan ng tatlong unit ng Mixer truck, isang dump truck, isang grader at isang steam roller.
Ang mga nasabing heavy equipment ay gamit sa paggawa ng mga kalsada at iba pang infastracutre project na magdudugtong sa kahabaan ng mga barangay Baybayog, Masin, Pared at Pussian sa nabatid na bayan.
Matapos ang panununog ay agad ding umalis ang grupo at hindi naman sinaktan ang mga empleyado nito.
Lumalabas na hindi nagbigay ng revolutionary money ang contractor ng nasabing proyekto dahilan upang sunugin ng mga ito ang mga traktor.