‘Di nakatanggap ng cash aid nag-amok

Patong-patong na kaso ang isinampa kahapon ng pulisya sa lalaking nag-amok sa Makati City habang armado ng patalim matapos mabigong makatanggap ng ayuda sa ilalim ng social amelioration program (SAP) ng pamahalaan.

Kabilang sa mga isinampang kaso ng pulisya laban kay ni Efren Andea, 49, ng Brgy. San Isidro ang paglabag sa umiiral na enhanced community quarantine, ordinansa sa hindi pagsusuot ng face mask, alarm and scandal at paglabag sa BP 6 o pagdadala ng patalim.

Batay sa ulat, naburyong umano ang suspek nang maubos na ang kanilang panggastos kaya’t inaway muna ang asawa dahil hindi napasama ang kanyang pangalan sa nabigyan ng ayuda bago lumabas ng bahay dakong alas-5:15 Linggo ng hapon at nagbantang papatayin ang sinumang makitang lalabas ng bahay.

Rumesponde naman kaagad ang mga tauhan ng Makati Police Sub Station-1 na hiningan ng tulong ng mga nasindak na residente at inabutan pa nila sa kanto ng Batangas at Faraday Street ang nagwawalang suspek.

Halos isang oras ang negosasyong ginawa ng mga pulis bago tuluyang magpasiya si Andea na bitiwan ang hawak na patalim kaya’t dinamba na siya ng pulisya.

Napagalaman ni Makati police chief Rogelio Simon na hindi rehistradong residente ng Brgy. San Isidro si Andea at tumatayo lang siyang caretaker sa tinutuluyang bahay kaya’t hindi siya napabilang sa listahang pagkakalooban ng ayuda. (Edison Reyes)