‘Di namin sila nilibing ng buhay! — DA

‘Di namin sila nilibing ng buhay! — DA

Mariing pinabulaanan ni Department of Agriculture (DA) Region IV-A Executive Director Arnel de Mesa ang isyung ibinabaon nila ng buhay ang mga baboy na kinukumpiska sa mga babuyan sa probinsya ng Rizal.

Sinabi ni De Mesa na may sinusunod silang protocol sa mga kinukuhang baboy bago ito ilibing at umpisa pa lang ay may ‘culling’ o maayos na pamamaraan sila sa pagpatay sa mga buhay ng mga apektadong alaga at hindi ito ibinabaon agad.

Ang reaksyon ng DA official ay makaraang sabihin ng isa sa tagapag-alaga ng baboy na nagpakilalang si ‘Marife’, na nakita nilang gumagalaw pa ang mga sakong may lamang baboy bago ito inihuhulog sa mala­king hukay.

Wala rin daw umanong maayos na sistema sa pagkuha ng mga apek­tadong hayop at wala man lamang silang natatanggap na papeles mula sa DA.

Nauna rito, isang video ang nag-viral kung saan naging kapuna-puna ang maling pamamaraan ng pagkatay ng ilang alagang baboy sa bahagi ng Antipolo, Rizal na hinihinalang nagkaroon ng sakit kung saan gumagalaw pa habang nasa sako ang mga baboy at pinagpipitpit ng backhoe na kinondena ng ilang animal rights group bunsod ng maling pamamaraan ng pagpatay sa mga naturang baboy at paglabag sa umiiral na Animal Welfare Act. (Dolly Cabreza)