Hindi natapos sa palitan ng malalakas na suntok ang pag-aaway ng kapwa carwash boy kung kaya’t isa sa mga ito ang muling rumesbak gamit ang balisong na naging sanhi ng pagkamatay ng isang 22-anyos na binata sa loob mismo ng kanilang pinagtatrabahuhan na carwash station sa Quezon City kamakalawa ng gabi.

Ayon kay PO3 Virgilio Mendoza, ng Criminal Investigation Detection Unit (CIDU) nakilala ang biktima na si Julidan Daclitan y Tonedo, na nasawi habang ginagamot sa Quezon City General Hospital (QCGH) habang mabilis namang tumakas matapos ang insidente ang suspek na si Jessie Salva y Canoy, nasa hustong gulang, kapwa tubong Dumaguete at carwash boy, stay-in sa Ottoman Carwash Station sa 30 Shorthorn St., Brgy. Bahay Toro, ng nabanggit na lungsod.

Sa imbestigasyon ni PO3 Mendoza, nangyari ang insidente dakong alas-6:30 ng gabi sa mismong carwash station, subalit bago pa mangyari ito ay galing ang biktima at suspek at iba pang kasama ng mga ito sa trabaho sa drinking spree sa Padi’s Point sa Muñoz, Quezon City.

At sa hindi malinaw na dahilan pagdating sa barracks ay nagkaroon ng samaan ng loob ang dalawa na humantong pa sa suntukan.

Subalit agad din itong naawat ng kanilang kasamahan na si Seledonio Torribio, kung kaya’t inakalang tapos na ang away ng dalawa.

Subalit ilang sandali lang ang nakakalipas ay nakita ng isa pang carwash boy na si Arvie Ventura na noon ay naglalaro ng tong-its, ang suspek na nagmamadaling tumatakbo hanggang sa makita na lang umano niya ang biktima na duguang umuungol.

Agad niya itong ipi­nagbigay-alam sa kanilang boss na mabilis namang sinaklolohan ang biktima at isinugod sa ospital subalit binawian din ito ng buhay dahil sa malalim na tama ng saksak sa leeg.

Hindi pa malinaw kung ano ang tunay na motibo sa pamamaslang at pinaghahanap na rin ang suspek para mapanagot sa krimen.