Agad na tinanggap ni ACT-CIS Partylist Rep. Erick Go-Yap ang paghingi ng tawad ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa maling resulta na una nilang nai-report hinggil sa pagkaka-positibo nito sa COVID-19 na kalaunan ay lumabas na negatibo.
“ Inaamin ko, the past 48 hours has been very hard for me and to everyone around me. Hindi naging madali ito pero buong puso kong tinatanggap ang apology ng DOH-RITM. No less than DR. Carlos called me up to explain what happened,” sabi ni Yap.
“ Naiintindihan ko, they are the busiest medical facility in the country right now. Its not an excuse pero normal na nagkakaroon ng pagkakamali sa dami at sa pressure na tinatanggap ng RITM ngayon, ”dagdag pa pa nito.
“This is not a cause for celebration for me dahil ilang milyong kababayan pa din natin ang kasalukuyang apektado ng krisis na ito. I will not harbor hard feelings towards anybody and I urge everybody to stay home and keep safe from this virus. “ pahayag pa ng mambabatas.
Samantala, hindi babawiin ng pamunuan ng Presidential Security Group (PSG) ang direktiba na pagsailalim sa self-quarantine sa lahat ng PSG personnel simula ngayong Sabado, March 28.
Ito ay sa harap ng inilabas na paglilinaw ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) na nagkamali sila sa paglalabas ng resulta ng COVID test result ni ACT-CIS representative Eric Yap.
Si Yap ay dumalo sa isang pulong sa Malacañang noong nakalipas na Sabado at nitong Huwebes ay inihayag na positibo ito sa COVID test.
Sinabi ni PSG Commander Col. Jesus Durante na nagagalak silang negatibo ang resulta ng pagsusuri kay Congressman Yap.
” We are glad that his tests turned out to be negative. Still the directive that all PSG personnel to undergo self -quarantine effective tomorrow remains,” ani Durante.
Pero sa kabila ng pagiging negatibo ng COVID test ni Yap, sinabi ni Durante na magpapatuloy ang imbestigasyon ng PSG at hihintayin nila ang rekomendasyon ng team na inatasang mag-imbestiga.
Kung sakali aniyang irekomenda ng investigating team na huwag ng kasuhan si Yap, susundin nila ito.