‘Di rehistrado sa FDA: FHM model timbog sa test kit

HULI ang isang dating aktres, host, at model dahil sa umano’y pagbebenta niya online ng mga COVID-19 test kit nang wala ring lisenya mula sa Food and Drug Administration (FDA).

Ayon sa National Bureau of Investigation (NBI), inaresto si Avi Siwa sa isang entrapment operation dahil sa pagbebenta nito ng mga test kit. Pero maliban dito, nahaharap din umano si Siwa sa kasong estafa matapos magbenta ng 10,000 sako ng bigas na hindi naman umano naide-deliver sa bumili.

Itinanggi ni Siwa ang akusasyon laban sa kanya.

Si Siwa ang naging host ng kauna-unahang LGBT reality TV show sa Pilipinas na “OUT!” noong 2004.

Naging daan ito para mai-cover siya sa men’s magazine na FHM at magkaroon ng kontrata sa Viva Films.

Kaugnay nito, nagpaalala ang NBI sa publiko na hindi maaaring magbenta ng test kit online. Ayon pa sa FDA, maaari lang umanong makakuha ng COVID-19 test nang may prescription mula sa lisenysadong doktor, ospital o drugstore.

Tanging mga health professional lang din umano ang maaaring magsagawa ng test. (IS)