Mahigit dalawang taon na ang nakararaan mula nang maganap ang madugong Mamasapano encounter, pero mukhang ayaw pa rin nilang patahimikin ang 44 na bayaning miyembro ng Special Action Force (SAF) na nagbuwis ng kanilang buhay para sa kaligtasan ng mga mamamayan.
Kamakailan lang, parang mamaw na nagpakita na naman ang Mamasapano issue nang maglabas ng rekomendasyon ang Office of the Ombudsman para kasuhan si dating Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino kaugnay sa nangyaring operasyon sa Maguindanao, kung saan napatay din ang matinik at mapanganib na Malaysian at international terrorist na si Marwan.
Kung hindi napatay si Marwan sa naturang operasyon na tinawag na ‘Oplan Exodus,’ aba’y baka mas lalong masakit ang ulo ng kasalukuyang administrasyon sa mga pag-atake ng terorista gaya ng nangyayari ngayon sa Marawi at ang nangyaring pagsabog noon sa Davao City.
Taliwas nga pala sa tila nais palabasin ng ibang gustong maging pasahero at ‘sumakay’ sa isyu, hindi po si PNoy ang pumatay o nagpapatay sa mga bayaning SAF 44. Sila ay bahagi ng tropa ng elite police commando na may mahalagang misyon na dakpin si Marwan para hindi na makagawa pa ng anumang pag-atake sa mga sibilyan.
Bagaman nagtagumpay ang misyon at napatay si Marwan, sinawing palad ang 44 na SAF troopers nang masukol sila ng mga armadong grupo sa Mamasapano na kinabibilangan ng ilang tauhan ng MILF at BIFF.
Masakit man ang kanilang kamatayan sa kamay ng mga kalaban, pero baka mas mapalad pa rin sila dahil hindi sila namatay sa kamay ng kanilang kakampi na kung tawagin ay ‘friendly fire,’ gaya ng sinapit ng ilang sundalo na nakipagbakbakan sa Marawi.
Ang kaibahan nga lang, ang mga kaanak ng mga sundalo at pulis na nasawi sa Marawi, matapang at maluwag na tinanggap ang kanilang sinapit. Batid kasi nila na kasama sa sinumpaang tungkulin at bahagi ng trabaho ng kanilang mahal sa buhay ang peligro sa pakikipaglaban.
Isa pa, bagaman batid ni PNoy ang naturang operasyon laban kay Marwan, hindi naman siya ang mismong nagplano nito. Katunayan, noon pa man ay may mga nauna nang oplan na ‘Terminator’ at ‘Wolverine’ pero parehong napurnada.
At para hindi madiskaril ang ‘Exodus,’ naging matindi ang pagkasikreto nito at ipinagkatiwala ang operasyon sa noo’y si Director Getulio Napeñas na pinuno ng SAF, dahil nga suspendido noon ang PNP Chief na si Director General Alan Purisima, na may malawak na background naman sa mga naunang pagpaplano.
Sa mga naunang paliwanag noon ni PNoy, sinabi niya hindi sinunod ni Napeñas ang kanyang mga bilin na sabihan ang mga dapat sabihan tungkol sa operasyon kapag nasa target na ang tropa.
Lumitaw din sa pagdinig noon ng Senado na nagpadala ng text messages si Purisima kay Aquino, pero mali naman ang impormasyon na ibinato sa kanya tungkol sa kailangang tulong ng mga naiipit na SAF. Wala naman sigurong pinuno na maghahangad na mamatay ang kanyang mga tauhan sa labanan.
Sa katunayan, sa nangyayaring kaguluhan sa Marawi City, sinasabing nasa 97 pulis at sundalo na ang nasasawi at 12 sa kanila ang biktima ng ‘friendly fire,’ o bomba na pinakawalan ng kapwa sundalo. Sadya lang talagang mahirap at hindi mababatid ang mangyayari kung nasa battle ground na.
Ang masaklap nga lang, hindi gaya sa Mamasapano na nakuha ang target na si Marwan, sa Marawi siege, wala pa ring impormasyon kung napatay ang mga target na magkapatid na Maute at ang Abu Sayyaf leader na si Hapilon, na siyang pakay daw na arestuhin ng awtoridad bago naganap ang Marawi siege.
Bagaman magandang pagkakataon na muling napag-usapan ang Mamasapano tragedy para muling maipaliwanag ni PNoy ang kanyang panig, ang tanong, ikatutuwa kaya ito ng mga nanahimik na mga bayaning SAF 44? Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
madami magagalit sa iyo nyan marfil
Tama ka sa obserbasyon mo marami lang talaga ang gustong sumakay sa isyu na ang tanging layunin ay pumapel una na si Gordon.