‘Di simple ang suicide! Hontiveros tumukod kay Nadine

Nanawagan si Senador Risa Hontiveros na maging maingat sa pagtalakay ng isyu tungkol sa mental health matapos sabihin ng aktres na si Nadine Lustre na isa itong sensitibong paksa.

Nauna nang binuweltahan ni Nadine ang batikang entertainment columnist na si Ricky Lo matapos nitong isulat sa kanyang column na hiwalay na si Nadine at boyfriend nitong si James Reid.

Isinulat din ni Lo na malaki umano ang epekto ng breakup kay Nadine na aminado sa mental illness bunsod umano sa ginawang pagpapakamatay ng kapatid nitong lalaki.

Ayon kay Hontiveros, highly sensitive ang isyu ng mental illness gayundin ang tungkol sa suicide.

“2020 na. Itigil na natin ang pag-trivialize sa mental health at lalung-lalo na sa suicide. I hope we can be more sensitive in talking about these things. Persons who wield influence, including those in media, have the responsibility to educate the public about this matter,” sabi pa nito na tila pinatatamaan si Lo.

Aniya, masyadong mapanganib kaninuman na tukuyin ang isang tao na may pinagdaraanang personal at kung paano niya ito pinaglalabanan.

“Remember: It’s dangerous to assume na alam natin ang pinagdadaanan ng iba. It’s equally dangerous to dictate kung paano sila dapat mag-cope. I hope we can all help in removing the stigma surrounding mental health. It’s our shared responsibility, mga mahal,” sabi pa nito.

Ayon kay Nadine, hindi tama na gamitin ang mental situation o tragic past ng isang tao para bigyan ng katwiran ang isang paksa. “Mental illness is a very sensitive matter,” dagdag pa ni Lustre.