‘Di talaga generous: Aktres dating maramot sa alalay

Ikinuwento sa amin ng isang source kung bakit kahit anong positibong aksiyon ang ginagawa ng isang kilalang female personality ay palagi pa rin siyang hindi maintindihan ng nakararami.

Palabigay sa mga nangangailangan ang aktres, mabilis siyang lapitan para lambingan ng tulong, pero sa kabila nu’n ay ninenega pa rin siya ng iba.

Kuwento ng aming kausap, “Matindi ang naging epekto sa image niya ng mga istoryang lumabas nu’n na galing mismo sa mga taong nakasama niya.

“Kumalat kasi ang mga kuwentong ‘yun nu’ng umalis na sa kanya ang mga alalay niya, pati driver. Siyempre, nanganak nang nanganak ang kuwento, nakarating sa kung kani-kanino,” unang kuwento ng aming impormante.

Kumalat ang istoryang hindi naman siya talaga generous, ginagawa niya lang ang pagbibigay sa harap ng mga camera, saka namimili lang siya ng mga hahandugan niya ng ayuda,

Patuloy ng aming source, “Nagbabago naman ang tao, di ba? Puwedeng nu’ng bata-bata pa siya, e, ganu’n nga siya, pero baka nagbago na rin naman siya.

“Kasi, ang kumalat na kuwento nu’n tungkol sa kanya, e, hindi kagandahan. Maramot siya, makasarili, ginagawa niya lang ang pagbabait-baitan kapag may mga nakatutok na camera.

“Ang reklamo nu’n ng mga dating alalay niya, e, super-damot siya. Kumakain siya, pero ni hindi niya iniintindi ang mga kasama niya, samantalang magkakasama sila sa car.

“Nakakatawa nga, habang kain daw siya nang kain, e, lunok lang nang lunok ang mga kasama niya sa sasakyan. Ni hindi man lang daw siya nang-aalok!

“‘Yun ang mga kuwento tungkol sa kanya nu’n, tapos ngayon, e, hayan siya at nagbibigay ng tulong sa mga netizens na nagpaparamdam sa kanya sa social media.

“E, baka nga nagbago na siya, puwede namang mangyari ang ganu’n, di ba? Ang importante, anuman ang sabihin ng iba sa pagiging generous niya ngayon, e, galing anman sa puso niya ang pagtulong.

“As long as galing sa puso ang pagbibigay, wala nang makakukuwestiyon du’n!” pagtatapos ng aming source.

‘Yun na, o!

-o0o-

Kapamilya star may career pa rin

Hindi nagsisimula at natatapos ang buhay ng mga empleyado at artista ng ABS-CBN sa pagpapasarado sa kanilang istasyon.

‘Yun ang literal na nagsarado man ang pintuan, meron pa ring mga bintanang magbubukas, kung minsan nga ay bubong pa.

Habang dinidinig pa kung ano ang magiging kapalaran ng network sa iniaapela nilang prangkisa ay magpapatuloy pa rin ang pagtatrabaho ng mga artista ng ABS-CBN.

Ang pagkakaiba nga lang ay hindi mapapanood ang kanilang serye at live shows sa Channel 2 kundi sa kanilang mga cable networks.

May bayad ‘yun, pero parang sa free TV rin ang suma, dahil binabayaran din naman ng mga kababayan natin ang nakokonsumo nilang kuryente sa panonood ng mga programa ng ABS-CBN.

Ang mahalaga ay makapagtatrabaho na uli ang mga artistang nawalan ng trabaho, una ay dahil sa lockdown, ikalawa ay sa pagpapasarado sa kanilang istasyon.

Tuloy na uli ang pakikipagbakbakan ni Ricardo Dalisay sa FPJ’s Ang Probinsyano, mapapanood na uli ang pagbibiritan ng mga singers sa ASAP Natin ‘To, ang mga nabiting serye ay matutunghayan na uli ng ating mga kababayang panay-panay ang hiling na sana’y makabalik na sa himpapawid ang ABS-CBN.