DIAZ HINIMOK ANG 500 KABATAANG MAG-SPORTS

Dinumog sina 2016 Rio de Janeiro Olympics weightlifting silver medalist Hidilyn Diaz at Philippine Sports Commission Chairman William Ramirez ng may 500 kabataang mga dumalo sa opening ceremony kahapon ng 1st Mindanao Children’s Games 2017 sa Almendras Gym sa Davao City.

Nag-umpisa na kahapon kahit na may nagaganap na kaguluhan sa Marawi City ang 1st Mindanao Children’s Games 2017, na parte ng Sports for Peace program ng Philippine Sports Commission, sa Almendras Gym sa Davao City.

Nagbigay rin ng inspirational talk si 2016 Rio de Janeiro Summer Olympic women’s weightlifting silver medalist Hidilyn Diaz ng Zamboanga City na hinikayat ang 500 mga batang kalahok mula sa 30 barangay ng lungsod na masangkot sa sports.

“I started in sports when I was 11 years old” pahayag ni Diaz, na halos kaedaran ang mga kalahok nang una rin siyang masali sa weightlifting na naging daan tungo sa kanyang pagiging bayani sa sports at isa ng milyonarya. Hinamon din ni Diaz ang mga bata na lumahok sa sports dahil sa mga pribilehiyo at oportunidad na kanyang nakamit.

“Nakabiyahe na ako sa paglilibot sa Pilipinas at sa iba’t ibang mga bansa, nakapag-aral, nagkatrabaho, at natuto dahil sa sports,” hirit ni Diaz habang taimtim na nakikinig ang mga kabataan. Pagkaraa’y agad na nagpakuha ng litrato si Diaz kasama sa mga nasiyahang kalahok.

Kinatawan ni DC Councilor Antonette Principe-Castrodes si Mayor Sara Duterte-Carpio bilang keynote speaker at sinabi na ang sports ay “a suitable diversion from delinquency” kaya pinasalamatan niya ang hangarin ng PSC na mapalaganap ang sports sa pinakamaraming maaabot na kabataan.

Pinahayag naman ni PSC Chairman William ‘Butch’ Ramirez, na siyang may pakana ng proyekto, na umaasang hindi lang mahihikayat ang mga kabataan na masala sa sports kundi upang tulungan silang maging responsable at maging mga susunod na mga mamumuno sa bansa.

“The true gold mine in sports are found not in high-level competitions but in the children whose lives we touch and change through sports,” wika ni Ramirez sa 500 kabataan edad 12-anyos pababa ang mga lumahok sa 3-on-3 boys’ basketball at girls’ volleyball.

Mayroon ding Larong Pinoy Games dito.