Mga premyadong coach na ang sumalang para sa Philippine national team, nandiyan ang fiery coach na si Yeng Guiao, tactician Chot Reyes, dating New Zealand mentor Tab Baldwin at ang latest ay ang PBA winningest coach na si Tim Cone.
Lahat ay may napatunayan na sa liga, mga multi-titled coach at eksperiyensado na rin pagdating sa international brand of play.
Ngayon ay umalingasaw ang balita na si Mark Dickel ang posibleng sumalang bilang coach ng Gilas Pilipinas para sa parating na 2021 Fiba Asia Cup qualifiers first window.
Para sa isang coach ng isang national team, kailangan ay masigurong susunod sa kanya ang mga manlalaro sa pamamagitan ng resume niya at irerespeto ng mga manlalaro.
Maganda rin na may malawak na itong kaalaman sa brand of play ng mga Pinoy, at angkop na para makasabay sa ibang bansa.
Kung accomplishment ang usapan, tila hilaw pa para maging coach ng Gilas si Dickel kung sakali mang ito ang magiging coach ng Gilas kahit interim role lang.
Sa TNT pa lang, ‘di pa niya napagtsa-champion ang koponan – kahit pa ilang astig na NBA player na ang sumalang sa kanya tulad nina Terrence Jones at KJ McDaniels.
‘Di pa rin sigurado kung susunod sa kanya ang mga manlalaro, na syempre mahirap lalo na sa isang national team dahil na rin kulang pa ito sa napatunayan sa local league.