DICT dinikdik sa makupad na internet

Aalamin ng Malacañang sa Department of Information and Communications Technology (DICT) ang kakayahan ng internet connection sa bansa lalo na sa sektor ng edukasyon na gagamit ng bagong sistema ng pagtuturo sa pamamagitan ng online learning.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na makikipagpulong siya kay DICT Secretary Gregorio Honasan upang alamin ang mga ginagawang hakbang para mapalakas ang kakayahan sa internet conncetion sa bansa.

“Makikipagpulong po ako kay Senador Gringo, iimbitahin ko rin sa Palasyo para siya na ang magsabi kung ano ang capability natin at ano ang mga gagawing hakbang para mapalawak pa ang ating free wifi na gagamitin natin sa edukasyon,” ani Roque.

Batid ng Palasyo na hindi masyadong maayos ang internet connection sa bansa ,patunay ang maraming reklamo laban sa dalawang service provider sa bansa.

Sinabi ni Roque na maging siya ay biktima ng hindi maayos na internet connection dahil sumasablay ito sa kanyang mga interviews.

Mas malala aniya ang kuneksiyon sa mga cellphone at wala ng pag-asa pa na gumanda ito.

“Talagang pinakamasama, cellular phones. Hopeless na yan. Nabiktima na ako niyan sa cellular phones. Pero ang internet talagang kinakailangan mapalakas po yan dahil ngayon ang ating edukasyon nakasalalay sa internet, tv at sa radyo,” dagdag ni Roque.
Kaugnay nito, naghain si Senador Manuel `Lito’ Lapid ng resolusyon na naglalayong imbestigahan ang estado ng internet connectivity sa bansa sa panahon ng `new normal’ at patuloy na laban pa rin sa COVID-19 pandemic.

Ayon kay Lapid, dahil pinagaan ng gobyerno ang quarantine protocol simula ngayong linggong ito, karamihan umano sa mga opisina ay nagre-rely pa rin sa work-from-home arrangement para limitahan ang galaw kanilang mga empleyado.

Maging ang nalalapit na pagbubukas na klase sa pamamagitan ng distant o online learning ay kinakailangan ang malakas na internet connection.

Kahit ang day-to-day transaction tulad ng sa bangko at online shopping ay nagre-rely sa internet connectivity.

Batay sa April 2020 Speed Test Global Index, pang-121 ang Pilipinas sa 139 bansa sa mundo, pagdating sa mobile internet speed. Sa broadband connection speed naman ay pang-110 ang Pilipinas sa 174 na bansa.

“Talagang nakakadismaya ang internet service dito sa Pilipinas lalo na kung ikukumpara sa mga kalapit ng bansa na malayo na ang narating pagdating sa aspetong ito,” ani Lapid. ( Aileen Taliping/Dindo Matining)