DICT kinalampag sa pag-atake sa mga government website

Hinimok ni Senador Win Gatchalian ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na imbestigahan ang pag-atake sa mga government website noong Abril 1.

Tinukoy ni Gatchalian ang pangha-hack sa go­vernment, military at educational institution websites ng grupong Pinoy LulzSec.

Sinabi ng ng senador na labis na nakaalarma ang insidente dahil lumalabas na kayang i-access ng grupo at ilabas ang mga sensitibong impormasyon mula sa militar.

“It is very alarming that not only was the group able to hack and deface government websites, they were also able to access and leak sensitive information of the Philippine Army, including the Army’s personnel list,” saad ni Gatchalian.

Ipinaalala pa ng senador na ang naturang grupo rin ang nag-leak ng Comelec database noong 2016 at inilabas sa internet ang private data ng mga botante.

Dapat aniyang papanagutin ang mga taong nasa likod ng mga pag-atakeng ito at kailangang tiyakin ng gobyerno na mapoprotektahan ang impormasyon ng pamahalaan.(Dang Samson-Garcia)