DID YOU KNOW THAT?

-Ang lumang pangalan ng Sagada ay Gandu­yan. Ang pangalang Sagada ay isang basket na ginagamit panghuli ng isda. Isang grupo ng mga Kastilang sundalo ang nagtanong daw sa isang la­laking may dalang “sagada” kung anong pangalan ng susunod na lugar.

Sa pag-aakala ng lalaki na tinatanong ng mga Kastila kung ano ang kanyang dala sinabi niyang ito ay “sagada”. Kaya mula sa Ganduyan ay naging Sagada ang opisyal na pa­ngalang unang itinala sa Spanish records.

– Pinikpikan ang tawag sa chicken specialty sa Sagada. Para sa preparasyon nito, marahang pinapalo ang isang native na manok hanggang sa mamatay ito at mamuo ang dugo sa balat nito. Naniniwala ang mga lokal na sa pamamagitan nito ay napapa­labas nila nang husto ang lasa at linamnam ng manok.

Niluluto itong parang tinola na may mga slices ng sayote at green beans. Idinadagdag na pampalasa ang salted pork na tinatawag na “Etag”.

– Ang pagsasabit ng mga ataul (hanging coffins) ay sinasabing may 2,000 taon nang tradisyon ng mga sinaunang Igorot. Kapag matanda na ang isang Igoroto, gumagawa na ito ng sariling ataul bago mamatay.

Kung mahina na ang isang matanda ay ang anak niya o kamag-anak ang puwedeng magtuloy o gumawa nito para sa kanya. Inilalagay ang isang yumao na naka-fetal position sa loob ng ataul sa paniniwalang ito ang posisyong pumasok siya sa mundo at ganitong posisyon din siya dapat lumabas.

Sa pamamagitan ng prusisyon, ipinapasa-pasa ang ataul ng yumao hanggang sa makara­ting sa cliff at doon na ito itatali at ipapako.

-Ang bansang China at Indonesia ay mayroon ding “hanging coffins”.

Sa Indonesia, matatagpuan ito sa Londa Nanggala cave sa isla ng Sulawesi. Matatagpuan ang hanging coffins ng mga Tsino sa Sichuan Province na nasa southwest China.